Wednesday, August 18, 2004
Tagay
rolly-folksinger. my bros. moustache, quezon city. 16 August 2004. photo by sep
Hinehele na ako ng tunog ng naguumpugang bote ng beer at mga nagbabanggaang opinyon sa Carliz nang magyaya si Ed na mag courtesy call kami kay Jessie Bartolome.
Inabot naming kumakanta ng JT si Rolly Maligad ng Coco Jam sa My Bros. Moustache sa Quezon City bandang 11:00 ng gabi, 16 Agosto 2004-kaarawan ng tatay ko.
Huli ko atang napanuod si rolly ay sa Mayrics nung 1997 pa ata yun. Kasama ko si Loy at Von, at si Leonard din ata. Nabilib kami sa suot na pantalon nung malupit na gitarista niya. Kulay pulang tight fitting na may malaking tatak na Versace sa likod. Sabi namin sa sarili, pagtanda namin at gumaling ng ganun kagaling sa gitara-bibili rin kami at magsusuot ng pantalong pula! Balik tayo kay rolly.
Ibang klase ang vibe ni rolly at ng Coco jam nung gabi na yun sa stage. Para silang naghahabulan ng tipa at ng hininga. Minsan parang kakapusin at mabibitin ang boses at gitara pero sa dulo ay nagsasabay din at maganda at malagkit ang performance. On the edge lagi ang tugtugan. May halong kaba sa panunuod. Sakto kaya ang mga bagsakan? Pag eksakto, ang sarap pakinggan at sarap palakpakan. Pag sablay naman, ok lang “next time bitter” (basa:better luck next time). Ganun ko naalala si rolly-stumbling. Stumbling with the words, stumbling through the dark pero malalim at madamdamin pa rin.
Kagabi ko lang narinig si Rolly na kumanta ng 'di reggae (although yung “dinamayan” ay malayo sa reggae at mas malapit sa kundiman) at mga “JT - folk”. Maraming requests pero parang na-miss namin ang tunay na boses ni Rolly kaya sinigaw ni Ed, “dinamayan” at pinagbigyan naman kami. Nagtuloy tuloy na ang mga original. “maskara” at ilang bagong (nung ko lang narinig) mga piyesa. Pagkatapos ng set, isinilid ang lumang gitara sa itim na garbage bag na tinalian sa neck ng strap ng gitara at nagpaalam.
Beterano si Rolly ng folk music scene sa bansa na nag blossom nung 1970’s. Pag-nagkwento siya tungkol sa panahon na yon parang nag-sit in ka na rin sa isang history lesson sa pinoy folk Asin, si Lolit, si Pendong, si Popong Landero, si Jess Santiago, si Nitoy Adriano (na bahista rin pala dati), si Chickoy, si Ronnie Duncan na “Bob Dylan ng Pilipinas”, at si Pete Velasquez na “Ronnie Duncan ng Malate” ang mga pangalan na dapat kabisaduhin sa leksyong ito.
Rolly Maligad- Folk Singer. Tapos na ba ang set niya o nagsisimula muli?
Tuloy tuloy ang tagay!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
kinilabutan ako sa panulat mo sep. sulat ka pa ng marami!
Post a Comment