Tuesday, November 23, 2004

Halina: 27 anyos


Halina by Jess Santiago. Cover photo by Nico Sepe and art dIrection by Fidel Rillo. 1991 Posted by Hello



May 2 klase ng kanta, sabi ni Woody Guthrie- the dying songs and the living songs. Ang dying songs daw ay mga “kanta na nagsasabing walang dapat ipagmalaki sa pagiging manggagawa, pero kung mabuti at masipag siya, balang araw maari siyang umangat at maging ‘boss’, at makapagsuot ng puting kurbata at amerikana at balang araw mga kanta ay isusulat tungkol sa kanya.” Meron namang mga ‘living songs’-- “mga buhay na awiting nagsasabing may dangal sa paggawa; mga awiting humihimok sa manggagawa na ipagmalaki ang kanyang sarili at kanyang trabaho; mga awiting nagnanais na pagbutihin ang buhay natin; mga awit ng protesta laban sa mga bagay na dapat tutulan.”

Ang Halina ni Jess Santiago ay isang buhay na awitin. Nung nakaraang linggo, 14 ng Nobyembere 2004, sa main theatre ng Cultural Center of the Philippines, lumutang at pumaibabaw sa katahimikan ng teatro at muling nabuhay sa isip at damdamin ng mga tagapakinig ang awit at kuwento ng Halina. Muling ipinakilala ni Koyang si Lina, manggagawa sa pabrika, si Pedro Pilapil, magsasaka, at si Aling Maria, maralitang taga-lungsod. Sa mga sandaling iyon, ang kanilang mga kuwento ang bida-- binalutan ng ilaw mula sa spotlight ang kanilang buhay at pakikibaka. Sa sandali ring iyon bawat kalabit ng gitara, bawat katagang binitiwan ng pabulong at pasigaw ni Koyang ay makabuluhan.

Buhay na awitin ang Halina dahil binigyan niya ng mukha ang buhay at pakikibaka ng mga karaniwang mamamayan. Buhay siya hanggang ngayon dahil patuloy ang pagsasamantala at karahasan sa mga paggawaan, sa kanayunan, at sa kalunsuran. Ngunit higit sa lahat, nananatiling buhay ang Halina dahil patuloy ang pagpupunyagi ng mga manggagawa, magsasaka, at mga maralitang taga-lungsod para sa mas magandang bukas at patuloy silang nag-aanyaya ng ating pakikiisa.

Mabuhay ang Halina. Mabuhay ka Jess Santiago!

1 comment:

Anonymous said...

hanep!!!!!! sapul na sapul!!!!! rock journalism at its best!Mabuhay!bogsi